Saturday, April 7, 2012

President Aquino's Easter Message 2012

Ipinagdiriwang po natin ngayon ang muling pagkabuhay ni Hesukristong anak ng Diyos matapos niyang isalba ang sanlibutan mula sa kasalanan. Sa kanyang dakilang sakripisyo, pinasan niya ang kasalanan nating lahat; sinapo niya ang ating mga kahinaan at binuksan ang pintuan tungo sa kaharian ng Diyos Ama. Tunay nga po sa kanyang pagkabuhay, naisakatuparan ang buhay na walang hanggan. Ganito rin ang pagbangon na ipinapakita ng bansa natin ngayon. Dahil sa kawalang pag-asa, maraming Pilipino ang pinili noong makipag-sapalaran sa ibayong dagat, maka-alpas lamang sa kadilimang bunga ng katiwalian at kahirapan sa ating bayan. Ngunit Simbahang Katoliko na rin ang nagsasabi: pinakamalaking kasalanan ang mawalan ng pag-asa. Kaya naman kumapit tayo sa pananalig; at nagtiwala sa kanyang wagas na pag-ibig. Ito na nga po ang naghahatid sa atin ng liwanag tungo sa maunlad at makatarungang lipunan. Noon nga pong nakaraang eleksyon, nagkaisa tayong tuldukan ang pang-aabuso sa kapangyarihan, at ang pagdurusa ng ating mamamayan. Mula nang tayo na ang nanungkulan, parami nang parami ang naniniwalang talagang nagbabago na ang Pilipinas: mga OFW na nais nang bumalik sa ating bayan upang dito magtaguyod ng magandang buhay kasama ang pamilya; mga negosyanteng naglalagak ng puhunan upang magtayo dito ng negosyong nanganganak ng trabaho; at higit sa lahat, mga Pilipinong muling naging ganado sa pagkamit ng kanilang ambisyon dito sa ating bayan. Napatunayan natin na ang susi sa pag-asenso ay ang pagsunod sa mabuting halimbawa ni Hesukristo: Ang paggawa ng tama, pagkakawanggawa, at pagiging bukal ng malasakit sa kapwa. Ito ang prinsipyong nagdala ng kumpiyansa sa ating bansa, kaya naman mahigit dalawampu't dalawang porsyento ng kabuuang investments sa PEZA ay inilagak sa loob lamang ng dalawampu’t isang buwan natin sa pwesto. Dito rin nagbukal ang paulit-ulit nating pagkamit ng mga record-high sa Philippine Stock Exchange index. Ito rin ang dahilan kung bakit Marso pa lamang ay nairehistro na sa ating Conditional Cash Transfer program ang target nating tatlong milyong pamilyang benepisyaryo para sa taong 2012.Nagawa natin ito dahil mayroon kayong gobyernong nakatutok at handang magsakripisyo para sa kapakanan ng taumbayan. Lalo pa naming pag-iibayuhin ang aming trabaho, upang mas mabilis nating makamit ang inaasam na pagbabago. Hindi ito matutupad sa lamangan, o sa maya’t-mayang unahan, o sa pagtutok sa pansariling kapakanan. Makakamit lamang ito sa patuloy na pagsasabuhay ng mga aral ni Kristo: sa pagbubukas ng puso sa kapwa, lalo na sa mga kapus-palad nating kababayan. Sa araw-araw nating pagharap sa kani-kaniyang mga sangandaan, huwag sana tayong lumihis sa kabutihan; lagi nating gawin ang tama upang tunay na masalamin ng kilos ang ating pananampalataya. Kung ipagpapatuloy po natin ang ating mabuting nasimulan, magpapamana tayo sa susunod na salinlahi ng isang Pilipinas na tunay na maka-Diyos, makatao, at makatarungan. Samahan ninyo ako: sabay-sabay tayong tumungo sa di-hamak na mas magandang buhay para sa mga Pilipino. Maligayang Pasko ng Pagkabuhay po sa ating lahat!

No comments: